Nang minsang nagtuturo kami ng Biblia, isang bata ang pumukaw sa aming atensyon. Gutom na gutom siya na kahit ang tira ng ibang bata ay kinain niya. At hindi pa rin siya nakuntento nang bigyan ko siya uli ng makakain. Naging palaisipan sa amin kung bakit sobrang gutom ang bata.
Naisip ko na ganoon rin tayo minsan pagdating sa ating emosyon o damdamin. Humahanap tayo ng iba’t ibang paraan para mapunan ang mga ninanais ng ating puso pero hindi tayo lubos na nakukuntento.
Hinihikayat naman ni propeta Isaias ang mga nagugutom at nauuhaw na lumapit at kumain (ISAIAS 55:1). Pero pagkatapos ay sinabi niya, “Bakit ninyo inuubos ang perang kinita sa mga bagay na sa inyo ay hindi nagbibigay kasiyahan?” (TAL. 2 MBB). Higit pa sa pisikal na pagkagutom ang tinutukoy dito ni Isaias. Ang Dios ang tunay na makakapagbigay sa atin ng kasiyahan sa mga hinahanaphanap natin sa espirituwal at emosyonal na aspeto ng ating buhay. Ang walang hanggang kasunduan na ginawa ng Dios na tinutukoy sa talatang 3 ay isang paalala ng pangako ng Dios kay David na binanggit sa 2 Samuel 7:8-16. Magmumula sa lahi ni David ang Tagapagligtas na magpapanumbalik ng relasyon ng tao sa Dios. Kalaunan, si Jesus mismo ang naganyaya sa mga tao na lumapit sa Kanya. Patunay ito na si Jesus talaga ang Tagapagligtas na tinutukoy ng mga propeta (JUAN 6:35, 7:37).
Ikaw ba ay nagugutom? Inaanyayahan tayo ng Dios na lumapit sa Kanya.