Dahil mahilig ako sa dark chocolate, tiningnan ko sa Google kung makakabuti ba ito para sa akin. Nakakita ako ng iba’t ibang sagot, may nagsasabi na mabuti ito at may nagsasabi naman na makakasama ito sa kalusugan. Maaari din natin tingnan sa Google kung makakabuti ba sa atin ang iba pang pagkain tulad ng gatas, kape, atbp. Maaaring sumakit ang mga ulo natin sa magkakaibang sagot na makikita natin. Kaya maging ang pagsasaliksik ng mga sagot ay maaaring makasama sa atin.
Kung naghahanap naman tayo ng talagang makakabuti sa atin sa lahat ng pagkakataon, ang Salita ng Dios ang aking maimumungkahi. Maraming bagay ang magagawa nito para sa isang tunay na nagtitiwala sa Panginoong Jesus.
Sa pamamagitan ng Salita ng Dios, makakapamuhay tayo nang malinis (SALMO 119:9, 11); magiging pagpapala ito para sa atin (LUCAS 11:28); magbibigay ito ng karunungan (MATEO 7:24); magbibigay liwanag sa ating isipan (SALMO 119:130); at lalong tatatag ang ating pananampalataya (1 PEDRO 2:2).
Sinasabi sa Salmo 145:9 na mabuti ang Dios sa lahat. Dahil sa Kanyang kabutihan, ginagabayan Niya tayo kung paano mas magiging matibay ang ating relasyon sa Kanya. At sa mga gagawin nating desisyon, pasalamatan natin ang Dios dahil inihayag Niya na sa atin sa Biblia kung ano ang mga makakabuti para sa atin. Masasabi rin natin ang sinabi sa Salmo 119:103, “Kay tamis ng Inyong mga salita, mas matamis pa ito kaysa sa pulot.”