Hinahangaan ko ang mga tao na nagpapahalaga sa pananalangin. May mga nagsusulat ng kanilang mga pasasalamat at gustong ipanalangin at mayroon naman na nakaluhod pa kung manalangin. Natutuwa rin ako sa mga nagtitipon-tipon para manalangin. Sa loob ng maraming taon, sinikap kong gayahin ang mga paraan nila lalo na ang kahusayan nila sa pagsasalita kapag nananalangin. Gustonggusto kong malaman ang tamang paraan sa pananalangin.
Kalaunan, nalaman ko na simple lang ang gusto ng Dios kapag tayo’y nananalangin. Nais Niya na lumapit tayo sa Kanya nang may kapakumbabaan (MATEO 6:5). Nais Niya rin na taimtim tayong manalangin sa Kanya at nangako Siya na tapat Siyang makikinig sa atin (TAL. 6). Hindi Niya iniuutos na magkabisado tayo ng mga sasabihin at gumamit ng maraming salita na wala namang kabuluhan (TAL. 7).
Ang panalangin ay isang pribilehiyo at sa pamamagitan nito ay maipapaabot natin sa Dios ang ating pagpupuri (TAL. 9-10). Maipapakita rin natin sa pamamagitan ng pananalangin na sa Kanya tayo umaasa sa ating mga pangangailangan (TAL. 11). Maaari din tayong humingi sa Kanya ng kapatawaran at gabay (TAL. 12-13).
Tinitiyak ng Dios na naririnig Niya ang bawat panalangin natin maging ang mga hindi natin nasasabi. Tandaan natin na ang pananalangin na may kapakumbabaan at lubos na pagpapasakop sa Dios ang tamang paraan ng pananalangin.