Habang binubuklat ko ang Biblia na pag-aari ng lola ko sa tuhod, may nakita akong maliit na papel. Nakasulat doon ang Mateo 5:3-4, “Mapalad ang mga taong inaaming nagkulang sila sa Dios, dahil makakasama sila sa kaharian ng Dios. Mapalad ang mga naghihinagpis, dahil aaliwin sila ng Dios.” Iyon ay sinulat pala ng aking ina noong bata pa siya.
Kinaugalian na ng lola ko sa tuhod na magpasulat sa kanyang mga apo ng mga talata sa Biblia dahil hangad niya na maisapuso nila ito. Napaiyak ako nang malaman ko ang kuwento tungkol sa mga talatang isinulat ng aking ina. Kamamatay pa lang pala ng lolo niya noon at pagkaraan ng isang linggo ay namatay din ang kanyang kapatid. Sa masakit na sitwasyong iyon, ibinahagi sa kanya ng lola niya ang tungkol kay Jesus.
May kaugnayan dito ang isinulat ni Pablo kay Timoteo, “Hindi ko makakalimutan ang tapat mong pananampalataya tulad ng nasa iyong Lola Luisa at ng iyong inang si Eunice, at natitiyak kong nasa iyo rin ngayon” (2 TIMOTEO 1:5). Ang pagkakaroon ng pananampalataya ay hindi namamana, ibinabahagi ito. Ibinahagi kay Timoteo ng kanyang ina at lola ang tungkol kay Jesus, at nagtiwala si Timoteo kay Jesus.
Bilang pagpapakita ng pagmamahal sa ating mahal sa buhay, ibahagi natin sa kanila na si Jesus lamang ang ating tanging pag-asa. Ipasa natin sa kanila ang naipasa rin sa atin. Ganoon ang ginawa ng lola ko sa tuhod sa kanyang mga apo.