Bumili ako kahapon ng ticket sa eroplano. Ihahatid ko ang aking anak na mag-aaral na sa kolehiyo. Naiiyak ako habang iniisip ko na aalis na sa bahay ang anak ko. Pero kahit sobrang malulungkot ako sa pag-alis niya, hindi ko hahadlangan ang mga magagandang oportunidad na naghihintay para sa kanya. Sa panahong ito ng kanyang buhay, magkakaroon siya ng pagkakataon na matuto at tuklasin ang mundo nang mag-isa.

Matatapos man ang panahong ito ng pagiging magulang ko sa aking anak, nagsisimula naman ang panibago. Sinabi ni Haring Solomon, “may oras na nakatakda para sa lahat ng gawain dito sa mundo” (MANGANGARAL 3:1).

Hindi natin hawak ang mga mangyayari sa buhay natin masama man ito o mabuti sa paningin natin. Pero sa pamamagitan ng Dios at ng Kanyang kapangyarihan, “iniangkop Niya ang lahat ng bagay sa tamang kapanahunan” (TAL. 11 MBB).

Sa mga panahong nasasaktan ang ating damdamin, maipagkakatiwala natin ito sa Dios na may gagawin Siyang mabuti sa kabila ng sitwasyong ito. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay masaya tayo o panatag ang ating kalooban. Gayon pa man, makakaasa tayo na “ang lahat ng ginagawa ng Dios ay magpapatuloy magpakailanman” (TAL. 14). Hindi man tayo masiyahan sa bawat panahon ng ating buhay, alam natin na kikilos ang Dios. May mabuti Siyang gagawin sa kabila ng mga masamang pangyayari sa ating buhay.