Si Elizabeth ay matagal na nalulong sa ipinagbabawal na gamot. Nang gumaling siya, ninais niya na tulungan ang mga katulad niya. Gumawa siya ng mga sulat na naglalayong bigyan sila ng pag-asa. Inipit niya ang mga iyon sa mga bahagi ng sasakyan at sa mga poste sa mga park. Noon, hangad niyang magkaroon ng pag-asa. Nais naman niya ngayon na magkaroon ng pag-asa ang iba.
Ang pag-asa na may pag-ibig ang ipinagkakaloob ni Jesus. Ipinapadama Niya sa atin ang kanyang pagmamahal sa bawat araw at pinapalakas Niya ang loob natin sa pamamagitan ng pagbibigay ng pag-asa.
Hindi Niya ito pauntiunting ipinapakita sa atin kundi binubuhos Niya ito nang labis-labis. Sinasabi sa aklat ng Roma, “hindi tayo mabibigo sa ating pag-asa dahil ipinadama ng Dios sa atin ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ibinigay Niya sa atin” (5:5). Ginagamit din ni Jesus ang mga mahihirap na sitwasyon sa ating buhay upang mas maging matiisin tayo, mapabuti ang ating pagkatao at mapuno tayo ng pag-asa (TAL. 3-4). At kahit na makasalanan tayo, patuloy Niya tayong minamahal (TAL. 6-8).
Naghahanap ba kayo ng pag-asa? Ang Panginoon ang magbibigay sa atin ng pag-asa na may pagmamahal. Hinihikayat Niya tayo na mas lumapit sa Kanya upang mas tumatag ang ating relasyon. Ang pag-asa natin na magkaroon ng buhay na ganap ay nakasandig sa pagmamahal ng Dios.