Noong 1986, nalaglag ang 5 taong gulang na si Levan Merritt at napunta sa kulungan ng mga gorilya. Habang humihingi ng saklolo ang kanyang mga magulang at ibang mga naroon, isang malaking gorilya na nagngangalang Jambo ang lumapit kay Levan. Marahang hinaplos ni Jambo ang likod ni Levan habang hinaharangan ang ibang gorilya para hindi makalapit sa bata. Hanggang ngayon, ikinukuwento pa rin ni Levan ang tungkol sa ginawa ni Jambo para sa kanya na hindi nila inaasahan.
Sa 1 Hari, mababasa naman natin kung paanong kumilos ang Dios na iba sa inaasahan ni Elias. Nang makipag-usap ang Dios sa kanya, may dumaan na napakalakas na hangin, lumindol at nagkaroon ng apoy. Makikita rito na lubos na makapangyarihan ang Dios. Pero pagkatapos, narinig ni Elias ang tinig ng Dios na parang bulong (1 HARI 19:11-12). Ipinapakita naman dito ng Dios ang Kanyang pagiging maamo.
Nasaksihan na ni Elias ang kapangyarihan ng Dios noon (18:38-39). Gayon pa man, hindi niya lubusang naunawaan ang pamamaraan ng pagpapakilala ng Dios sa Kanyang sarili. Kahit na higit pa Siya sa mga dios-diosan na kinakatakutan nila, Siya ay maamo rin (19:10,14).
Ang bulong na iyon ng Dios kay Elias ay makikita sa makapangyarihan ngunit marahang pagsasabi ni Jesus na, “Ang nakakita sa Akin ay nakakita na rin sa Ama (JUAN 14:9). Ipinakita rin ni Jesus ang Kanyang pagiging maamo nang hayaan Niyang ipako Siya sa krus dahil sa pagmamahal at habag ng Dios.