Ang pelikulang The King’s Speech ay tungkol sa hari ng Inglatera na si George VI. Noong panahong iyon, malaki ang impluwensiya ng radyo kaya gusto ng mga opisyal ng gobyerno na mahusay sa pagsasalita ang kanilang hari. Pero hindi ito naging madali para kay Haring George dahil nauutal siya kapag nagsasalita.
Malaki ang naging papel ng asawa ng hari na si Elizabeth upang mapagtagumpayan ang kanyang depekto sa pananalita. Si Elizabeth ang palaging nagpapatatag ng loob ni Haring George VI para mapamunuan nang maayos ang kanyang nasasakupan.
Mababasa naman sa Biblia ang mga taong nagpalakas ng loob sa mga nasa mahirap na sitwasyon. Si Aaron ang sumuporta kay Moises noong mamuno ito sa pakikipaglaban ng mga Israelita (EXODUS 17:8-16). Si Elizabet naman ang nagpalakas ng loob sa buntis niyang kamag-anak na si Maria (LUCAS 1:42-45).
Nang sumampalataya na si Pablo kay Jesus, kinailangan niya ang suporta ni Bernabe. Dahil takot ang mga apostol kay Pablo, pinatotohanan ni Bernabe na nagbago na si Pablo (GAWA 9:27). Mahalaga ang ginawang iyon ni Bernabe para tanggapin si Pablo ng ibang mananampalataya. Si Bernabe rin ang naging kasa-kasama ni Pablo sa kanyang pangangaral (GAWA 14).
Hinihikayat ang mga mananampalataya na patuloy na pasiglahin at patatagin ang isaʼt isa (1 TESALONICA 5:11). Nawa’y taos puso natin itong gawin lalo na kapag nasa mahirap silang sitwasyon.