Bago mamatay si Lilias Trotter na isang pintor at misyonero, nakakita siya ng pangitain ng isang karwaheng mula sa langit. Dahil doon, naitanong ng kaibigan niya kung nakakita siya ng kamangha-manghang bagay. Sinabi naman ni Lilias na marami siyang nakita na kamangha-mangha.
Hindi lang sa pangitain nakakita ng kamangha-manghang bagay si Lilias. Naranasan niya rin ito sa kanyang buhay. Kahit na isa siyang mahusay na pintor, mas pinili niyang maglingkod sa Dios bilang misyonero. Gayon pa man, sinabi ni John Ruskin na isang kilalang pintor na nagturo kay Lilias, “Sinayang ni Lilias ang pagiging pintor.”
Sa Bagong Tipan, sinabihan din ang isang babae na sinayang nito ang dala niyang pabango nang ibuhos niya iyon sa mga paa ni Jesus. Napakamahal ng pabangong iyon, katumbas ng isang taon na sweldo ng isang ordinaryong empleyado ang halaga nito. Kaya naman, inisip ng mga nandoon na pinantulong na lang sana sa mga mahihirap ang halaga ng pabango. Gayon pa man, nalugod si Jesus sa ginawa ng babae at sinabing, “Mabuti itong ginawa niya sa Akin” (MARCOS 14:6).
Sa bawat araw, maaari nating piliin na si Jesus ang makita ng mga tao sa ating buhay. Maaari din nating ipakita sa ating pamumuhay na kamangha-mangha ang Dios. Marahil, may magsasabi sa atin na ang paglilingkod sa Dios ay pagsasayang lang ng panahon. Pero hindi dapat ganoon ang pananaw natin. Sa halip, maglingkod tayo sa Kanya ng taos sa ating puso. Masabi nawa sa atin ni Jesus na may maganda tayong nagawa para sa Kanya.