Ang Migaloo ay isang puting balyena na matatagpuan sa Australia na unang ginawan ng dokumentaryo. Bihira na lang ang mga ganitong uri ng balyena kaya gumawa sila ng batas na poprotekta sa mga ito.
May mababasa namang kwento sa Biblia tungkol sa isang malaking isda (JONAS 1:17). Sinabi ng Dios kay Jonas na pumunta sa Nineve upang balaan sila na paparusahan sila ng Dios kung hindi sila magsisisi. Pero ayaw ni Jonas dahil malupit sila maging sa mga tulad niyang Israelita. Dahil sa pagsuway ni Jonas, hinayaan siya ng Dios na itapon sa dagat. Nilunok siya ng malaking isda at doo’y nagsisi. Pagkatapos, pumunta na si Jonas sa Nineve at sinabi sa kanila ang mensahe ng Dios. Nagsisi naman ang mga taga Nineve (3:5-10).
Pero kahit nagsisi ang mga ito, masama pa rin ang loob ni Jonas. Alam niya na hindi na paparusahan ng Dios ang mga taga Nineve dahil mahabagin, mapagmalasakit, mapagmahal at hindi madaling magalit ang Dios (4:2). Dahil sa sama ng loob ni Jonas, hiniling pa niya sa Dios na kunin na lamang siya (3:5-10).
Ang kuwento ni Jonas ay hindi tungkol sa isda. Tungkol ito sa kalikasan ng tao. Tungkol din ito sa kalikasan ng Dios na patuloy na nagbibigay sa atin ng pagkakataon na magsisi dahil “ayaw niyang mapahamak ang sinuman” (2 PEDRO 3:9). Minamahal Niya ang lahat kahit ang mga masasamang taga Nineve, at ang hindi mapagpatawad na propeta.