Noong bago pa lang kaming mag-asawa, nahirapan akong hulaan kung ano ang mga gusto ng misis ko. Gusto ba niya na kumain sa labas o sa bahay na lang? Ayos lang ba sa kanya na makipagkita ako sa mga kaibigan ko o gusto niya na ilaan ko lang sa kanya ang oras ko tuwing katapusan ng bawat linggo?
Minsan, nagpasya ako na tanungin na lang siya kung ano talaga ang gusto niya sa halip na manghula. Sinagot niya naman na kahit ano sa mga pinagpipilian at masaya siya na inisip ko ang gusto niya.
May mga pagkakataon naman na gustong-gusto kong malaman kung ano talaga ang nais ipagawa sa akin ng Dios tulad ng pagpili ng trabaho. Hindi ko naman makuha ang eksaktong sagot ng Dios kahit ipinanalangin ko na ito at kahit nagbasa na ako ng Biblia. Gayon pa man, may nakuha akong isang malinaw na sagot, ang ipagkatiwala sa Dios ang lahat ng aking gagawin at hanapin ang aking kasiyahan sa Kanya (SALMO 37:3-5).
Doon ko lubusang naisip na binibigyan tayo ng Dios ng kalayaang pumili kung uunahin natin Siya at ang Kanyang pamamaraan at hindi ang ating sarili. Dapat din nating iwasan ang mga hindi nakalulugod sa Dios tulad ng mga imoral na bagay, hindi makadios o mga bagay na hindi makakatulong sa ating relasyon sa Kanya. Lagi nating piliin ang makakalugod lamang sa Dios. Nais ng Dios na ipagkaloob ang mga ninanais ng ating puso kung ating hahanapin ang ating kasiyahan sa Kanya (TAL. 4).