Ang kaibigan kong si Ruth na taga Tanzania ay may planong tubusin ang isang tigang na lupa sa may Dodoma. Nais niya itong gawing taniman at gusto niya ring mag-alaga ng mga manok para matulungan ang mga biyuda sa lugar na iyon. Ipinapakita ng kaibigan kong si Ruth ang kanyang pagmamahal sa Dios sa pamamagitan ng plano niyang ito. Nagsilbing halimbawa rin sa kanya ang ginawa ng kapangalan niyang si Ruth sa Biblia.
Si Ruth naman sa Biblia ay isa ring biyuda. Noong mga panahong iyon, pinapahintulutan ng kautusan ng Dios na mamulot ng mga uhay ang mga mahihirap at mga dayuhan sa mga bukid (LEVITICUS 19:9-10). Dahil dayuhan si Ruth, maaari siyang mamulot sa bukid para may makain sila ng kanyang biyenan na si Naomi.
Sa patuloy niyang pagpupulot sa bukid, nagkakilala sila ng may-ari ng bukid na si Boaz at iyon ang tumulong sa kanya at sa kanyang biyenan. Nagkaroon din sila ng matitirhan at nabigyan ng proteksiyon. Patuloy na nagsikap si Ruth at pinagpala siya ng Dios.
Ang pagnanais ng kaibigang kong si Ruth na tumulong at ang pagsusumikap ni Ruth sa Biblia ang nag-udyok sa akin para pasalamatan ang Dios sa pagmamalasakit Niya sa mga mahihirap at inaapi. Nagsilbi itong inspirasyon sa akin na humanap ng mga pagkakataon na makatulong din sa iba. Nais ko rin itong gawin bilang pasasalamat sa Dios na higit na mapagbigay. Isang paraan ng pagsamba sa Dios ang pagpapakita ng kahabagan.