Pagkauwi ko galing sa trabaho, nakakita ako ng isang pares ng sapatos. Sigurado ako na sa anak kong si Lisa ang sapatos kaya inilagay ko iyon sa garahe kung saan makikita niya iyon kapag nagpunta siya sa amin. Pero nang tanungin ko si Lisa, hindi raw sa kanya iyon at wala rin sa mga kamag-anak ko ang nagsabing sa kanila ang sapatos. Kaya naman, ibinalik ko na lang ang sapatos kung saan ko ito nakita. Kinabukasan, naging misteryo ito para sa akin dahil wala na ang sapatos.
May isinulat din si apostol Pablo na maituturing na misteryo. Sinabi ni Pablo sa Efeso 3 na “hindi inihayag ng Dios ang planong ito sa mga tao noon” (TAL. 5). Ang misteryo ay, "sa pamamagitan ng Magandang Balita, ang mga hindi Judio ay tatanggap ng mga pangako ng Dios kasama ng mga Judio, at magiging bahagi rin sila ng iisang katawan dahil sa pakikipag-isa nila kay Cristo Jesus” (TAL. 6).
Maaari na ngang sama-samang maglingkod nang may pagmamahal ang lahat ng mga sumasampalataya kay Jesus. Makakalapit na tayong lahat sa Dios nang malaya, walang takot o pag-aalinlangan (TAL. 12). Sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mga mananampalataya, makikita ng mundo ang karunungan at kabutihan ng Dios (TAL. 10).
Salamat sa Dios sa kaligtasang ipinagkaloob Niya. Naihayag na ang misteryo, ang lahat ng tao anuman ang kanilang lahi o pinanggalingan ay maaaring maging isa kay Jesus.