Sa librong Wuthering Heights na isinulat ni Emily Bronte, mababasa natin ang isang lalaking magaspang ang pag-uugali. Madalas siyang magbanggit ng mga talata sa Biblia pero ginagamit niya ang mga iyon sa pagpuna sa kahinaan ng ibang tao.
Maaaring tayo rin ay katulad ng lalaking iyon. Mabilis nating napupuna ang pagkakamali ng iba pero hindi naman natin napapansin ang sarili nating kahinaan.
Mababasa naman natin sa Biblia ang mga tao na lubos na nagmalasakit sa kapwa. Kabilang sa kanila sina Moises at Pablo. Hiniling kasi ni Moises na patawarin ng Dios ang mga Israelita kahit na ang kapalit nito ay ang pagbura ng Dios sa pangalan ni Moises (EXO. 32:32). Nagpakita rin si Pablo ng malasakit sa mga kapwa niya Judio nang sabihin niyang pipiliin pa niyang mahiwalay kay Cristo kung ang kapalit naman nito’y maligtas ang kanyang kapwa (ROMA 9:3).
Kahit likas na sa atin ang maging makasarili, makikita sa Biblia ang mga taong nagmamalasakit sa kanilang kapwa. Ang ganoong pag-ibig ang itinuro ni Jesus. Sinabi niya, “Wala nang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan” (JN. 15:13). Bago pa man natin nakilala si Jesus, minamahal Niya na tayo at patuloy na mamahalin “hanggang sa katapusan” (JN 13:1).
Hinihikayat naman tayong mga nagtitiwala kay Jesus na mahalin ang ating kapwa (15:9-12) Sa pamamagitan nito, makikita nila si Cristo sa atin.