Si John Wesley o Jacky ay isang kilalang tagapagturo ng Biblia. Noong limang taong gulang pa lamang siya, nagkaroon ng sunog sa kanilang bahay. Hindi nakasunod si Jacky nang tawagin siya ng kanilang kasambahay kaya nanatili siya sa loob ng nasusunog na bahay. Bago pa ito tuluyang matupok, nailigtas siya ng isang lalaki. Pumasok ito sa loob ng bahay at hinila palabas si Jacky.

Dahil sa nangyari, nasabi ng nanay ni Jacky, “Si Jacky ay parang panggatong na inagaw mula sa apoy.”

Ang sinabing iyon ng ina ni Jacky ay mula sa sinabi ni propeta Zacarias. May kaugnayan ito sa pangitaing nakita ni Zacarias tungkol kay Josue na isang punong saserdote. Sa pangitain, nakatayo si Josue sa harapan ng anghel. Naroon din si Satanas para akusahan si Josue pero sinaway siya ng Dios at sinabing iniligtas na Niya si Josue tulad ng panggatong na inagaw mula sa apoy. Sinabi naman ng Dios kay Josue na inalis na Niya ang kasalanan ni Josue at bibihisan Niya ito ng bagong damit (ZACARIAS 3:1-2,4). Sinabi rin ng Dios na kay Josue ipagkakatiwala ang pamamahala sa templo kung susunod si Josue sa mga iniuutos ng Dios (TAL. 7).

Katulad ni Josue, iniligtas din tayo ng Dios na para bang panggatong na inagaw mula sa apoy sa pamamagitan ng ating pagtitiwala kay Jesus. Nilinis Niya rin tayo at patuloy na pinapangunahan sa tulong ng Banal na Espiritu.