Nagpadala ng email ang kaibigan ko pero hindi ko agad binasa. Abala kasi ako noon sa pag-aasikaso sa kamag-anak ko na may sakit. Inisip ko na wala akong oras para sa mga ganoong bagay.
Pero kinabukasan, binasa ko pa rin ito. Sabi niya sa kanyang email, “Ano ang maaari kong maitulong sa iyo?” Nahiya ako dahil binalewala ko ang email niya at sinagot ko na lang ito ng, “Wala naman.”
Ang tanong na iyon ay katulad ng itinanong ni Jesus sa isang bulag na pulubi. Nang marinig ni Jesus na tinatawag Siya ni Bartimeus, huminto si Jesus at nagtanong, “Ano ang gusto mong gawin Ko sa iyo?” (MARCOS 10:51).
Ipinapahiwatig ng tanong na ito ang pagnanais ni Jesus na tulungan tayo. Pero dapat muna nating aminin na kailangan natin ang tulong Niya. Ang bulag na si Bartimeus ay lubos na nangangailangan ng tulong. Gusto niyang magbago ang kanyang buhay kaya buong pagpapakumbaba niyang sinabi kay Jesus ang nais niyang mangyari, “Guro, gusto ko pong makakita.” Agad naman siyang pinagaling ni Jesus.
Nais din ng kaibigan ko na maging totoo ako sa kanya. Ipinangako ko na hindi ako magkukunwari kung sakaling kailangan ko ng tulong niya at buong pagpapakumbaba ko itong sasabihin sa kanya. Huwag din kayong mag-atubiling sabihin kung ano ang maaaring maitulong sa inyo kapag may nagtanong sa inyo. Higit sa lahat, idalangin ninyo sa Dios ang inyong mga pangangailangan.