Minsan, habang nag-uusap ang mga mangingisdang taga Scotland sa isang hotel, isa sa kanila ang nakatabig ng baso. Tumama ang baso sa puting dingding at namantsahan ito. Humingi ng tawad sa may-ari ang mangingisda at sinabi niyang magbabayad na lang siya. Sinabi naman ng isang lalaki na huwag siyang mag-alala. Tumayo ang lalaking ito at saka gumuhit sa namantsahang bahagi ng dingding. Ang mantsa ay naging isang napakagandang guhit ng kabayo. Si E.H. Landesser ang lalaking gumuhit. Isa siyang kilalang pintor ng mga hayop.
Si Haring David naman na sumulat ng Salmo 51 ay nakagawa ng mga bagay na kahiya-hiya para sa kanyang sarili at sa kanilang bansa. Nangalunya siya at gumawa ng paraan para ipapatay ang asawa ng babaeng sinipingan niya. Karapat-dapat lamang siyang mamatay dahil sa kanyang mga nagawa at para bang wala nang patutunguhan ang kanyang buhay. Pero nagmakaawa siya sa Dios, “Sanaʼy ibalik sa akin ang kagalakang naramdaman ko noong iniligtas Nʼyo ako at bigyan nawa ako ng masunuring espiritu” (TAL. 12).
Tulad ni David, may mga nagawa rin tayo noon na maituturing na kahiya-hiya at patuloy na bumabagabag sa atin. Iniisip natin na hindi na sana natin nagawa ang mga iyon.
Mabuti na lang at sagana sa kagandahang-loob ang Dios dahil pinapatawad Niya tayo at binabago upang mas maging mabuti. Kaya Niyang ayusin ang ating buhay.