Nang magbakasyon kami ng aking asawa, pumunta kami sa isang sikat na lugar para sa mga atleta. Hindi naman ito sarado kaya naisip namin na puwede kaming pumasok. Natuwa kami sa mga nakita namin sa loob. Pero noong palabas na kami, may nagsabi sa amin na bawal kami roon. Nasaktan ang aming kalooban dahil akala nami’y puwede kaming pumunta sa lugar na iyon.
Bumisita rin kami sa isang simbahan. Bukas din ang mga pintuan kaya pumasok kami. Iba naman ang naranasan namin doon. Masaya kaming lumabas dahil sa maganda nilang pagtanggap sa amin.
Nakakalungkot lang isipin na hindi laging ganoon ang nangyayari sa loob ng mga simbahan. Madalas kasi, hindi naipaparamdam sa mga bisita ang mainit na pagtanggap. Pero ayon sa Biblia, dapat maging magiliw tayo sa pagtanggap sa lahat ng tao. Sinabi ni Jesus na ibigin natin ang ating kapwa gaya ng pag-ibig sa ating sarili (MATEO 22:39). Ipinapaalala rin sa atin sa Hebreo ang tungkol sa pagtanggap sa kahit hindi natin kilala (13:2). Sinabi nina Pablo at Lucas na magpakita ng pag-ibig sa pamamagitan ng pagtulong (LUCAS 14:13-14; ROMA 12:13). At bilang mga nagtitiwala kay Jesus, ang natatangi nating tungkulin ay iparamdam ang ating pagibig (GALACIA 6:10).
Kapag malugod nating tinatanggap ang ating kapwa, ipinapakita natin ang pag-ibig at kahabagan ni Cristo.