Ilang ulit akong nakatanggap ng mensahe tungkol sa napipintong pagbaha noong araw na iyon. Masama ang lagay ng panahon at marami nang mga magulang ang nagdatingan para sunduin ang kanilang mga anak sa eskuwelahan. Nang magsimula nang umulan, napansin ko ang isang babae na bumaba sa kotse, kumuha ng payong at saka nilapitan ang anak. Tiniyak niya na hindi mababasa ang kanyang anak habang papasok sila sa sasakyan. Naalala ko sa pangyayaring iyon ang pangangalaga sa atin ng ating Ama sa Langit.
Ipinadama naman ng Dios ang pangangalaga Niya sa mga Israelita ayon sa ipinahayag ni propeta Isaias. Sa kabila ng parusang ipinataw sa mga Israelita dahil sa kanilang pagsuway, binigyan sila ng katiyakan na poprotektahan sila ng Dios.
Magandang balita ito maging sa panahon natin ngayon. Sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan, hindi tayo dapat mangamba dahil aalagaan Niya tayo gaya ng pastol na nagaalaga sa kanyang mga tupa (ISAIAS 40:1-11).
Sa mundo natin kung saan maaari tayong mapahamak, nakapagbibigay sa atin ng kapanatagan ang katotohanang inaalagaan tayo ng ating Panginoon bilang ating Pastol. Ang lahat ng magtitiwala nang buong puso sa Dios ay muling magkakaroon ng lakas. Hindi sila mapapagod o manghihina (TAL. 41).