Hindi na nakakapagtaka na maging mataas ang mga bayarin natin sa kuryente, tubig, atbp. Pero minsan, laking gulat ni Kieran Healy na taga North Carolina nang matanggap niya ang kanyang bill sa tubig na nagkakahalaga ng 100 milyon. Napakabigat nito pero alam naman niya na hindi talaga ganoon kalaki ang nagamit niyang tubig.
Napakabigat talaga sa pakiramdam kapag may 100 milyon tayong utang pero higit na mabigat ang idudulot sa atin ng ating mga kasalanan. Kung susubukan nating pasanin ang mga ito, mapapagod lang tayo dahil hindi natin ito kakayanin. Mabigat at mahirap pasanin ang mga epekto at parusa ng ating mga kasalanan.
Hindi naman talaga natin magagawang pasanin ang bigat ng parusa ng ating kasalanan. Tanging si Jesus lamang ang makakagawa nito para sa atin. Siya ang Anak ng Dios at hindi Siya nagkasala (1 PEDRO 2:24). Namatay Siya sa krus upang akuin ang kaparusahan ng ating mga kasalanan. Karapat-dapat tayong maparusahan pero hindi na tayo magdurusa dahil sa ginawa ng Panginoong Jesu-Cristo.
Sa halip na mamuhay sa takot at laging iniisip ang bigat ng ating kasalanan at walang kabuluhang pamumuhay na minana natin sa ating mga ninuno (1:18), maaari na tayong mamuhay nang may kasiyahan dahil sa kalayaan at pagmamahal na nakamit natin mula kay Cristo (TAL. 22-23).