Natuwa ang mga apo ko nang makita nila at mahawakan ang isang nasagip na agila. Habang ipinapaliwanag ng tagapangalaga ng mga hayop kung gaano kalakas ang isang agila, namangha akong malaman na magaan lang pala ito.
Bigla kong naalala ang agilang nakita ko noon na palipad-lipad at handa nang mandagit. Naisip ko rin ang isa pang ibon na tinatawag na heron na nakatayo lamang sa gilid ng lawa at akmang iinom ng tubig. Ilan lamang ang agila at heron sa halos 10,000 uri ng ibon. Dahil sa mga ibong iyon, maaari nating maisip ang Dios na lumikha sa mga ito.
Mababasa naman sa Biblia na pinagtatalunan ng mga kaibigan ni Job ang dahilan kung bakit siya nakakaranas ng matinding pagsubok. Tinanong si Job, “Kaya mo bang unawain ang lahat-lahat tungkol sa Dios?” (TINGNAN ANG JOB 11:5-9). Sinagot naman ito ni Job, “Sa mga hayop at mga ibon ika'y may matututunan, magtanong ka sa kanila, at ikaw ay tuturuan” (JOB 12:7 MBB). Ang mga hayop ay patunay na dinisenyo ng Dios ang lahat. Nagmamalasakit Siya at may kontrol sa Kanyang mga nilikha. “Ang Dios ang nagpapagalaw sa lahat ng bagay, ang buhay ng bawat isa ay nasa Kanyang mga kamay” (TAL. 10 MBB).
Dahil may malasakit ang Dios sa mga ibon (MATEO 6:26; 10:29), makatitiyak tayo na nagmamalasakit Siya sa atin at mahal Niya tayo kahit hindi natin minsan maunawaan ang mga nangyayari sa atin. Makikilala rin natin ang ating Manlilikha sa pagmamasid sa kapaligiran.