Takot ako sa tubig noong bata pa ako pero gusto ng aking ama na matuto akong lumangoy. Sinasama niya ako sa bahagi ng pool kung saan mas mataas pa sa akin ang tubig at kung saan wala akong ibang makakapitan kundi siya lang. Doon niya ako tinuturuan kung paano lumutang sa tubig.
Hindi lang tungkol sa paglangoy ang natutunan ko noon. Natutunan ko rin kung paano magtiwala. Alam ko na mahal ako ng aking ama at hindi niya ako hahayaang mapahamak. Gayon pa man, takot pa rin ako. Hinihigpitan ko ang paghawak sa kanya hanggang sa tiyakin niya sa akin na wala akong dapat ikatakot. Dahil sa pagtitiyaga niya, natuto akong lumangoy, pero kinailangan ko munang magtiwala sa kanya.
Kapag lubos akong nahihirapan, iniisip ko noong mga panahong tinuturuan akong lumangoy ng aking ama. Nagsisilbi itong paalala sa akin tungkol sa pangako ng Dios. Sinabi Niya, “Aalagaan Ko kayo hanggang sa tumanda at pumuti ang inyong buhok. Nilikha ko kayo kaya kayoʼy aalagaan Ko. Tutulungan Ko kayo at ililigtas (ISAIAS 46:4).
Hindi man natin palaging nararamdaman na kasama natin ang Dios, nangako Siya na hindi Niya tayo iiwan (HEBREO 13:5). Kung panghahawakan natin ang Kanyang mga pangako at ang pagmamalasakit Niya sa atin, tutulungan Niya tayo na magtiwala sa Kanyang katapatan. Aalisin Niya ang mga alalahanin natin at bibigyan Niya tayo ng kapayapaan.