May mga bagay na nagdudulot sa atin ng takot tulad ng mga nakasakit sa ating damdamin. Nagiging dahilan ito para hindi tayo makapagpatuloy sa buhay. Iniisip natin na hindi natin kaya at hindi tayo ganoon kalakas o katapang para harapin ang mga bagay na maaaring muling makasakit sa atin.
Natuwa naman ako sa sinabi ng manunulat na si Frederick Buechner tungkol sa kagandahang-loob ng Dios. Iba’t ibang mga pangyayari raw ang maaari nating maranasan dito sa mundo. Pero sa kabila noon, hindi tayo dapat matakot dahil kasama natin ang Dios.
Tunay ngang maraming masasamang bagay ang mangyayari dito sa mundo. Ang mga taong nasaktan ay maaaring manakit ng ibang tao na higit pa sa naranasan nilang sakit. Sinabi ni David na napapaligiran siya ng mga kaaway na parang leong handang lumapa ng tao (SALMO 57:4). Dahil doon, tumatawag tayo sa Dios at humihingi ng saklolo sa Kanya (TAL. 1-2).
Kung tatawag tayo sa Dios kapag tayo’y nasasaktan o natatakot, mararanasan natin ang Kanyang pag-ibig na higit kaysa anumang bagay na magdudulot sa atin ng kapahamakan (TAL. 1-3). Ang pag-ibig ng Dios ang magsisilbing kanlungan natin (TAL. 1,7). Darating ang araw na mas magiging malakas ang ating loob at handang umawit dahil sa katapatan Niya (TAL. 8-10).