Noong 2017, nagkaroon ng matinding pagbaha sa silangang bahagi ng Texas dahil sa bagyong Harvey. Libu-libo ang hindi makalabas sa kani-kanilang mga tahanan dahil sa mataas na tubig. Samantala, may mga taga ibang lugar ang nagpakita ng pagmamalasakit sa mga taga Texas. Nagdala sila ng mga bangka para masaklolohan ang mga hindi makalabas sa kanilang mga bahay.
Ang ipinakitang pagmamalasakit ng mga sumaklolo ay nagpaalala sa akin sa sinasabi sa Kawikaan 3:27 kung saan hinihikayat tayo na tumulong sa ating kapwa sa abot ng ating makakaya. Tumulong sila sa pamamagitan ng pagdadala ng mga bangka. Ipinapakita ng kanilang ginawa na maaaring gamitin ang anumang mayroon ka para makatulong sa iba.
Minsan naman ay hindi tayo makatulong dahil iniisip natin na hindi sapat kung ano ang mayroon tayo. Sa mga ganoong pagkakataon, pinipili na lang nating hindi kumilos dahil pakiramdam natin ay balewala lamang ang maitutulong natin. Alalahanin natin ang mga nagmalasakit sa mga taga Texas noong bagyong Harvey.
Hindi nila kayang pahupain ang baha at hindi na rin sila humingi ng tulong sa gobyerno. Ginamit nila kung ano ang mayroon sila, at ito ang mga bangka. Tulad nila, maaaring may maiaalok tayo na magiging pakinabang para sa mga nangangailangan.