Para masubaybayan ang paglaki ng aking anak, lagi ko siyang kinukunan ng litrato. Isa sa mga paborito kong larawan niya ay noong nakaupo siya sa loob ng isang malaking kalabasa na binutasan. Tuwang tuwa akong makita ang pinakamamahal kong anak sa loob ng kalabasang iyon. Pagkaraan ng ilang linggo, nabulok ang kalabasa samantalang patuloy namang lumaki ang aking anak.
Ang larawang iyon ay nagpaalala sa akin sa sinabi ni Pablo sa 2 Corinto tungkol kay Jesus. Kung kilala natin si Jesus, maituturing natin itong kayamanan na nasa loob naman ng palayok. Kung aalalahanin natin ang ginawa ni Jesus para sa atin, nagkakaroon tayo ng lakas sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay. Dahil sa kapangyarihan ng Dios, hindi tayo tuluyang napapatay kahit sinasaktan tayo. At sa pamamagitan nito, naihahayag natin si Jesus (2 CORINTO 4:8-9).
Tulad ng kalabasa na nabubulok, maaaring maramdaman natin na parang nabubulok din tayo dahil sa mga pagsubok na nararanasan natin. Pero hindi mawawala ang kagalakan sa ating puso na mula kay Jesus at patuloy itong uusbong sa kabila ng mga paghihirap.
Ang ating pagkakilala kay Jesus at ang kapangyarihan Niya na kumikilos sa ating buhay ang maituturing na kayamanan natin. Anumang pagsubok ang harapin natin, patuloy tayong magiging matatag dahil sa kapangyarihan ng Dios na kumikilos sa atin.