May litrato ako ng isang binata na nakasakay sa kabayo habang iniisip kung alin ang pipiliin niyang daan. Parang ganoon ang tema ng tula ni Robert Frost na, The Road Not Taken. Sa tulang iyon, pinagiisipan din ni Frost kung alin sa dalawang daan ang pipiliin niyang tahakin. Mukhang parehas namang maganda ang daan pero pinili niya ang daan na hindi madalas daanan ng iba.
May kaugnayan dito ang sinabi ni Jesus sa mga tao nang minsang mangaral Siya (MATEO 5-7). Sinabi Niya sa kanila, “Pumasok kayo sa makipot na pintuan, dahil maluwang ang pintuan at malapad ang daan patungo sa kapahamakan, at marami ang pumapasok doon. Ngunit makipot ang pintuan at mahirap ang daan patungo sa buhay na walang hanggan, at kakaunti lang ang dumadaan dito” (MATEO 7:13-14).
Sa ating pamumuhay sa mundong ito, kailangan nating pumili ng landas na tatahakin. May mga daan na akala natin ay makakabubuti sa atin pero iisa lang ang daan tungo sa buhay na ganap. Nais ni Jesus na piliin natin ang daang iyon kung saan matututunan nating sumunod sa Kanyang mga Salita. Nais Niya na sundin natin Siya at hindi ang maling daan na pinipili ng karamihan ng mga tao.
Humingi tayo ng karunungan at lakas ng loob sa Panginoon upang piliin natin ang Kanyang daan, ang daan patungo sa buhay.