Habang lumalangoy si Claire, inatake siya ng isang pating. Sinuntok naman ni Claire ang pating sa ilong nito. Inalis ng pating ang pagkakagat kay Claire at dali-daling lumayo. Kahit maraming sugat ang natamo ni Claire mula sa kagat ng pating, tinalo niya ito.
Tinalo naman ni Jesus ang kamatayan dahil muli Siyang nabuhay. Sinabi ni apostol Pedro, “Kahit ang kamatayan ay walang kapangyarihang pigilan si [Jesus]” Gawa 2:24.
Sinabi ito ni Pedro sa mga tao sa Jerusalem. Marahil, ang ilan sa kanila ay nakisigaw noon ng, “Ipako Siya sa krus!” para tugisin si Jesus (MATEO 27:22). Ipinako nga si Jesus sa krus ng mga Romanong sundalo. Nanatili Siyang nakapako roon hanggang matiyak nila na patay na Siya. Pagkatapos, kinuha ang bangkay ni Jesus at inilibing. Pagkalipas ng tatlong araw, binuhay Siyang muli ng Dios. Nang muling mabuhay si Jesus, nakausap at nakasalo Siya ni Pedro at ang iba pa. Pagkaraan ng 40 araw, nasaksihan nila ang pag-akyat Niya sa langit (GAWA 1:9).
Matinding pagdurusa ang dinanas ni Jesus bago Siya mamatay. Pero sa kabila ng iyon, tinalo ng kapangyarihan ng Dios ang kamatayan. Dahil dito, hindi tayo lubusang magagapi ng kamatayan o ng anumang paghihirap. Darating ang araw na mararanasan ng lahat ng nagtitiwala kay Jesus ang buhay na walang hanggan na kasama ang Dios. Kung itutuon natin ang ating paningin sa mangyayaring ito sa darating na panahon, mararanasan natin ang kalayaan ngayon.