Namana ko sa aking magulang ang pagkahilig ko sa iba’t ibang uri ng musika. Minsan, pumunta ako sa Moscow Conservatory para manood ng konsiyerto ng Moscow National Symphony. Nasiyahan ang mga manonood lalo na noong palakas na ng palakas ang pagtugtog nila sa isang komposisyon ni Tchaikovsky. Nagtayuan ang mga tao bilang pagpapakita ng kanilang paghanga.
Parang pagtugtog ng musika ang mga pangyayari sa Biblia. Nagsimula ang kuwento nang magkasala sina Adan at Eva at dahil doo’y nangako ang Dios na magsusugo ng Tagapagligtas (GENESIS 3:15). Sa temang iyon umikot ang kuwento. Ipinagdiwang nila ang Pista ng Paglampas ng Anghel bilang tanda na ililigtas sila ng Dios (EXODUS 12:21). Mababasa rin ang pag-asa ng mga propeta (1 PEDRO 1:10) at ang pananabik ng mga nagtitiwala sa Dios. Ang itinuturing na climax o ang pinakarurok ng kuwento ng kasaysayan sa Biblia ay ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus.
Pinatunayan ni Juan ang kuwentong iyon, “Nakita at pinatototohanan namin na isinugo ng Ama ang Kanyang Anak bilang Tagapagligtas ng mundo” (1 JUAN 4:14). Tinupad nga ng Dios ang Kanyang pangako na ililigtas ang mga tao sa pamamagitan ng pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus. Dahil doon, naayos ang nasirang relasyon natin sa Dios. At darating ang araw, babalik si Jesus at babaguhin ang lahat ng Kanyang nilikha.
Alalahanin natin ang sakripisyong ginawa ni Jesus para iligtas tayong mga makasalanan.