Minsan, habang nakapila sa isang pamilihan ang aking kaibigan para bayaran na ang kanyang pinamili, lumapit sa kanya ang isang lalaki at binigyan siya ng coupon kung saan mababawasan ang babayaran niya. Wala siyang tulog noon pero nawala ang kanyang pagod at antok dahil sa hindi inaasahang kabutihang ipinakita sa kanya. Pinasalamatan niya ang Dios dahil sa kabutihang ipinakita sa kanya ng lalaki.
Tungkol sa pagtulong ang isa sa mga tema ng isinulat ni apostol Pablo sa mga taga Efeso. Hinikayat niya sila na talikuran na ang dati nilang buhay at mamuhay nang ayon sa nais ng Dios yamang iniligtas sila sa pamamagitan ng Kanyang kagandahang-loob. Sinabi ni Pablo, “Nilikha tayo ng Dios; at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus, binigyan Niya tayo ng bagong buhay, para gumawa tayo ng kabutihan” (EFESO 2:10). Tulad ng lalaki sa pamilihan, maipapakita din natin ang pagmamahal ng Dios sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabutihan sa araw-araw.
Hindi naman laging materyal ang maitutulong natin upang maipakita ang kagandahang-loob ng Dios. Maaari tayong makatulong sa iba’t ibang paraan tulad ng pakikinig kapag may nais na kumausap sa atin. Nasisiyahan ang mga taong natulungan pero higit na magdudulot ito ng kagalakan sa atin (GAWA 20:35).