Nanlumo sina Kamil at Joelle nang malaman nila na mayroong malubhang sakit ang kanilang 8 taong gulang na anak na si Rima. Nang lalo pang lumubha ang kalagayan nito, sinabihan sila na napakaliit na lamang ng posibilidad na mabubuhay si Rima.
Nanalangin at nag-ayuno sila para sa kagalingan ni Rima. Sinabi ni Kamil sa kanyang asawa na kailangan nilang magtiwala sa Dios anuman ang mangyari. Sinabi niya rin na dapat nilang tularan ang panalangin ni Jesus na hindi ang nais nila ang masunod kundi ang nais ng Dios. Sabi naman ni Joelle, “Pero gustong-gusto ko na pagalingin ng Dios si Rima!” Sagot naman ni Kamil, “Oo, gusto natin siyang gumaling kaya hilingin natin ito sa Kanya. Pero tulad ng ginawa ni Jesus, magpasakop tayo sa nais ng Dios gaano man ito kahirap. Mapaparangalan natin siya dahil dito.”
Bago mamatay si Jesus, nanalangin Siya, “Ama, kung maaari ay ilayo Nʼyo sana sa akin ang mga paghihirap na darating. Ngunit hindi ang kalooban Ko ang masunod kundi ang kalooban Ninyo” (LUCAS 22:42). Nagpasakop si Jesus sa kalooban ng Dios dahil mahal Niya ang Kanyang Ama.
Hindi ito madaling gawin at hindi rin madaling unawain ang tugon ng Dios. Gayon pa man, naiintindihan tayo ni Jesus. Tinanggap niya ang tugon ng Dios alang-alang sa ating kaligtasan. Ipinakita ni Jesus kung paanong ipagkatiwala sa Dios ang ating mga pangangailangan.
Sinagot ng Dios ang panalangin ng mag-asawa. Pinagaling Niya si Rima at ngayon, 15 taong gulang na siya.