Nagkaroon ako ng kondisyon noon kung saan limitado ang aking pagkilos. Ilan taon kong tiniis ang dulot nitong matinding sakit. Nagkaroon ito ng hindi magandang epekto sa akin. Naging pala-utos ako at hindi na rin ako madalas magpasalamat. Lagi rin akong nagrereklamo sa mga ginagawa ng asawa ko tulad ng lasa ng luto niya. Nang sabihin niya sa akin na nasasaktan na siya sa pakikitungo ko sa kanya, hindi ko iyon matanggap dahil pakiramdam ko’y hindi niya naiintindihan ang pinagdaraanan ko.
Pero dumating ang pagkakataon na ipinakita sa akin ng Dios ang mga pagkakamali ko. Humingi ako ng tawad sa Dios at sa aking asawa.
Nagrereklamo tayo kapag hindi natin gusto ang ating sitwasyon. Naaapektuhan din ang relasyon natin sa iba sa pagiging makasarili natin. Naging mareklamo at makasarili din ang mga Israelita. Hindi sila nasiyahan sa ibinibigay ng Dios sa kanila (EXODUS 17:1-3). Kahit pinadalhan sila ng Dios ng pagkain mula sa langit (16:4), hindi sila nakuntento (BILANG 11:4). Naging mapaghanap sila sa halip na magpasalamat sa kaloob ng Dios at sa katapatan at pagmamahal sa kanila (TAL. 4-6). Sinisi din nila si Moises sa kanilang sitwasyon (TAL. 10-14).
Kung magtitiwala tayo sa kabutihan at katapatan ng Dios, magiging mapagpasalamat tayo. Pasalamatan natin Siya ngayon sa napakaraming bagay na ipinagkakaloob Niya sa atin.