Naririnig ko ang aking ama noon na mahirap daw tapusin ang pag-uusap kung saan magkakasalungat ang pagkakaintindi ng bawat isa sa Biblia. Pero mahirap man na hindi sila magkakapareho ng pananaw, maganda naman kapag sumasang-ayon sila na magkakaiba talaga ang kanilang pagkakaintindi sa Biblia.
Posible nga ba na isantabi natin ang pagkakaroon natin ng magkakasalungat na pananaw? Isa ito sa mga tanong na sinagot ni Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Roma. Alam ni Pablo na ang mga taga Roma ay maraming pagkakaiba sa bawat isa pagdating sa relihiyon, politika at iba pa. Iminungkahi ni Pablo sa kanila na iwasang manghusga at makipagtalo kahit magkakaiba ang kanilang mga pinaniniwalaan. Sinabi niya na humanap sila ng paraan kung paano sila magkakasundo sa kabila ng mga hindi nila pinagkakasunduan (ROMA 14:5-6).
Kung may mga hindi tayo pinagkakasunduan, alalahanin natin na higit na mahalaga ang pakikipagkapwa-tao kaysa sa igiit ang ating mga pananaw at maging ang mga pagkakaintindi natin sa Biblia. Lahat tayo ay mananagot kung nagawa ba nating mahalin ang ating kapwa o maging ang ating mga kaaway gaya ng pagmamahal sa atin ni Cristo.
Tunay ngang maganda na nagkakasundo tayo sa kabila ng magkakaiba ang ating mga pananaw tulad ng sinabi ng aking ama noon. Gawin din natin ito nang may pagmamahal at respeto sa bawat isa.