Si Qu Yuan ay isang matalino at makabayan na opisyal ng gobyernong Tsina noong panahon na tinatawag nilang Warring States (475-246 bc). Ayon sa kuwento, ilang ulit niyang binalaan ang kanilang hari na may nagtatangkang magpabagsak sa kanilang bansa. Hindi siya pinakinggan ng hari at sa kalaunan, ipinatapon siya sa ibang lugar. Nang mabalitaan niyang pinabagsak ang pinakamamahal niyang bansa tulad ng kanyang babala, nagpakamatay siya.
Parang ganoon din ang naging sitwasyon ni propeta Jeremias. Naglingkod din si Jeremias sa mga hari at nagbigay rin siya ng babala. Hindi rin pinakinggan ang kanyang babala. Gayon pa man, hindi siya nagpakamatay. Sa halip, nakasumpong siya ng pag-asa. Bakit kaya siya nagkaroon ng pag-asa samantalang nagpadaig naman sa kalungkutan si Qu Yuan? Nalalaman kasi ni Jeremias na tanging ang Dios lamang ang makakapagbigay ng tunay na pag-asa.
Sa kabila ng pagbagsak ng Jerusalem noong 586 bc, tiniyak ng Dios sa kanya na makakabalik sa kanilang sariling bansa ang mga Israelita at itatayo itong muli (JEREMIAS 31:17, NEHEMIAS 6:15).
May mga pagkakataon din na nawawalan tayo ng pagasa. Maaaring magkaroon tayo ng malubhang sakit, mawalan ng trabaho, at ng iba pang mabigat na problema. Pero gaano man kahirap ang sitwasyon, makakaasa tayo na hindi tayo pababayaan ng Dios. Siya ang ating pag-asa.