May natutunan akong aral tungkol sa pagmamahal ng isang ama sa kanyang anak nang minsang magpunta kami ng anak ko sa isang dentista. Kailangan na noong bunutin ang isang ngipin ng aking anak na humaharang sa patubo na niyang permanenteng ngipin.
Umiiyak na nagmakaawa sa akin ang aking anak na kung maaari sana ay huwag muna itong bunutin at baka may iba pa raw na paraan. Mahirap man sa kalooban ko na nakikita siyang nasasaktan, sinabi kong kailangan niya talagang magpabunot. Hawak-hawak ko siya habang binubunutan at namimilipit sa sakit. Naiiyak din ako dahil sa nakikita ko siyang nasasaktan. Hindi ko kayang tanggalin ang sakit na nararamdaman niya. Ang tanging magagawa ko lang ay samahan siya nang mga oras na iyon.
Dahil sa pangyayaring iyon, naisip ko si Jesus noong nasa hardin siya ng Getsemane. Sinabi ni Jesus sa Kanyang Ama na kung maaari sana ay ilayo Siya sa paghihirap. Higit na mahirap para sa Dios Ama na makitang lubos na nasasaktan ang Kanyang Anak. Pero tiniis iyon ng Dios dahil ang pag-aalay ni Jesus ng Kanyang buhay ang tanging paraan para maligtas ang mga tao.
May mga pagkakataon na kailangan nating maranasan ang mga mahihirap na sitwasyon tulad ng nangyari sa aking anak. Pero dahil sa ginawa ni Jesus para sa atin, hindi tayo tuluyang malulugmok dahil lagi Niya tayong sasamahan sa lahat ng pagkakataon (MATEO 28:20).