Sa isang pagtitipon, nakikinig lamang si Diane sa mga nagsasabi ng kanilang nais ipanalangin para sa kanilang mga mahal sa buhay. Nais rin sana ni Diane na sabihin ang kanyang panalangin para sa kamaganak niyang matagal nang lulong sa ipinagbabawal na gamot.
Pero hindi niya na lang ito binanggit dahil natatakot siya sa sasabihin ng mga tao. Hindi rin maintindihan ng iba kung bakit napariwara ang kamag-anak niya kahit na marahil ay nagtitiwala na ito kay Jesus.
Hindi man binanggit ni Diane ang kanyang panalangin, alam naman ito ng kanyang mga kaibigan. Sama-sama nilang hiniling sa Dios na palayain ang kanyang kamag-anak mula sa pagkalulong sa droga at maranasan ang tunay na kalayaan kay Cristo. Idinalangin din nila na bigyan ng Dios si Diane ng kapayapaan at katiyagaan na kanyang kailangan. Naging panatag si Diane pagkatapos niyang manalangin.
Marami tayong mga mataimtim na panalangin na para bang hindi tinutugon ng Dios. Gayon pa man, makatitiyak tayo na nagmamalasakit ang Dios at nakikinig Siya sa lahat ng ating mga panalangin. Hinihikayat din Niya tayo na laging lumapit sa Kanya at magalak sa ating pag-asa, tiisin ang mga kapighatian at maging matiyaga sa pananalangin (ROMA 12:12). Maaasahan natin ang Dios.