Noong mga bata pa kami, ginagaya namin ang ilang nababasa sa libro at napapanood sa pelikula tulad ng paglalambitin ni Tarzan at pagtatayo ng mga bahay sa puno. Nagtatayo rin kami ng lugar kung saan nagtatago kami para kunwari’y maging ligtas sa mga kalaban.
Pagkalipas ng maraming taon, ang mga anak ko naman ang nagtatayo ng kanilang kanlungan. Likas sa ating mga tao ang magnais na magkaroon ng kanlungan na puwedeng mapagtaguan kung saan mararamdaman natin na tayo’y ligtas.
Itinuring naman na kanlungan ng mang-aawit at manunulat na si David ang Dios. Sinabi niya sa Awit 46:1-2, “Ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan. Siya’y laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan. Kaya huwag tayong matatakot.” Mababasa rito na sa kabila ng mga banta sa buhay ni David, panatag pa rin siya sa piling ng Dios. Natitiyak din niya na sa Dios lamang matatagpuan ang tunay na kaligtasan mula sa anumang kapahamakan.
Maaari din tayong maging panatag dahil nangako ang Dios na hindi Niya tayo iiwan o pababayaan. Maipagkakatiwala rin natin sa Kanya ang ating buhay sa araw araw. Nabubuhay man tayo sa mundo na puno ng panganib, matitiyak natin na bibigyan Niya tayo ng kapayapaan ngayon at magpakailanman. Ang Dios ang ating kanlungan.