Ang kaibigan kong si Lori ay nakilala ko sa isang lugar kung saan ginagamot ang mga maysakit na kanser. Inaalagaan ko noon ang aking nanay na may kanser. Inaalagaan naman ni Lori ang kanyang asawang si Frank. Magkasama kami ni Lori sa kalungkutan at pananalangin sa Panginoon. Habang dinadamayan namin ang isa’t isa, nakaramdam kami ng kagalakan.
Minsan, inalok ako ni Lori na ihatid sa pamilihan. Hindi ko kasi naabutan ang bus na papunta roon. Masaya kong tinanggap ang kanyang alok. Sinabi ko sa kanya, “Maraming salamat sa iyo, Lori.” Natutuwa ako kay Lori dahil sa mga nagawa niya para sa akin. Pero higit akong natutuwa kung paano siya bilang tao.
Ipinapakita sa Salmo 100 ang pagpapahalaga sa Dios kung sino Siya at hindi lamang sa mga ginawa Niya. Hinihikayat ng manunulat na sumigaw nang may kagalakan sa Panginoon ang lahat ng tao sa mundo dahil Siya ang Dios (TAL. 1-3). Pinapapasok tayo sa “Kanyang templo nang may pagpapasalamat at pagpupuri” (TAL. 4). Tunay ngang karapat-dapat na pasalamatan ang Dios dahil Siya’y mabuti, walang hanggan ang Kanyang pag-ibig at mananatili Siyang tapat magpakailanman (TAL. 5).
Ang Dios ang Manlilikha at ang nagpapanatili ng kaayusan sa sanlibutan. Siya rin ang ating mapagmahal na Ama kaya nararapat lamang na taos puso natin Siyang pasalamatan.