Bago pa man dumating ang buwan ng Disyembre, mararamdaman mo na ang Pasko sa aming lugar. Makikita sa iba’t ibang gusali ang mga magagarbong palamuting pamasko. Kahit saan ka lumingon, mararamdaman mo na ang diwa ng kapaskuhan.
Gusto ng ibang tao ang magagarbong dekorasyon, samantalang may iba naman na simple lang ang gusto. Iba-iba man ang gusto at ang paraan ng pagdiriwang ng mga tao sa Pasko, hindi iyon ang mas mahalaga. Ang dapat mas mapagtuunan ng pansin ay ang kahulugan ng Pasko.
Ang sanggol na si Jesus ang siyang nararapat na bigyan ng pansin tuwing pasko. Pagkalipas ng mahigit tatlumpung taon mula nang Siya’y isilang, tinanong ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin na Anak ng Tao?” (MATEO 16:13). Sinabi nila na Siya ay si Juan na tagapagbautismo, si Elias, o ibang propeta. Muli silang tinanong ni Jesus, “Ngunit para sa inyo, sino Ako?” (TAL. 15 MBB). Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay” (TAL. 16).
Ngayong panahon ng kapaskuhan, marami ang magdiriwang nang hindi man lang binibigyang pansin ang Sanggol. Maaari natin itong itanong sa kanila, “Ang Pasko ba ay isa lang magandang kuwento tungkol sa isang sanggol na isinilang sa sabsaban? Talaga bang naparito ang ating Manlilikha para maging katulad natin?”