Ang aking kaibigan ay inampon ng mag-asawang misyonero na nakadestino sa bansang Ghana. Pagbalik nila sa Amerika, nagkolehiyo ang kaibigan ko pero kalaunan ay huminto siya dahil sa kakapusan sa pera. Nagtrabaho muna siya bilang sundalo at nakarating siya sa iba’t ibang bansa dahil doon. Ipinahintulot ng Dios ang mga pangyayaring iyon bilang paghahanda sa kaibigan ko sa isang mahalagang tungkulin. Ito ay ang maging manunulat ng mga babasahing makakatulong sa mga nagtitiwala kay Jesus sa ibang bansa.
May pangyayari din sa asawa ng kaibigan ko na masasabing ipinahintulot ng Panginoon para ihanda siya sa isang mahalagang tungkulin. Dahil hindi nakapasa ang asawa niya sa isang pagsusulit sa kursong kinukuha nito, lumipat siya ng kurso tungkol sa paraan ng pakikipag-usap ng mga pipi.
Nang inaalala niya iyon, nasabi niya sa kanyang sarili, “Ipinahintulot ng Dios na mangyari ang mga iyon para sa mas mabuting layunin.” Sa ngayon, nagpapahayag siya ng Salita ng Dios sa mga pipi at bingi.
Napapaisip ba kayo kung bakit hinahayaan ng Dios na mangyari sa inyo ang ilang mga bagay? Sinabi sa Biblia, “Nakita N’yo na ako, hindi pa man ako isinisilang. Ang itinakdang mga araw na ako’y mabubuhay ay nakasulat na sa aklat N’yo bago pa man mangyari” (SALMO 139:16). Hindi man natin maunawaan ang pagkilos ng Dios, makakaasa tayong alam Niya ang lahat at mabuti ang Kanyang layunin.