Tuwing umaga, bago ako pumasok sa eskuwelahan, sinasabi sa akin ng aking ama, “Mahal kita, anak.” Minsan, parang nabalewala ko ang pagsabi niya sa akin na mahal niya ako. Hindi naman ako galit, nagkataon lang na may iba akong iniisip noon. Gayon pa man, hindi nagbabago ang pagmamahal sa akin ng tatay ko.
Ganoon din ang pag-ibig ng Dios at higit pa, nananatili ito magpakailanman. Saktong-sakto ang salitang hesed na wikang Hebreo para ilarawan ang pag-ibig ng Dios. Paulit-ulit na binanggit ang salitang ito sa Lumang Tipan. Sa kabanata 136 ng Salmo pa lang ay nabanggit na ito ng 26 na beses. Mahirap makahanap ng katumbas ng salitang hesed sa modernong wika.
Kadalasan itong isinasalin na kabaitan, kagandahang-loob, kaawaan o katapatan. Pero higit na malalim ang kahulugan ng salitang hesed. Ito ang pag-ibig na nagpapakita ng lubos na katapatan. Kahit na nagkasala ang mga Israelita sa Dios, tapat pa rin silang minamahal ng Dios. Ang pagmamahal ay mahalagang katangian ng Dios (EXODUS 34:6).
Noong bata pa ako, nababalewala ko ang pagmamahal ng aking ama. At minsan, nagagawa ko rin iyon sa aking Dios Ama. Nakakalimutan kong makinig at sumunod sa Kanya. Nakakalimutan ko rin na maging mapagpasalamat. Gayon pa man, alam kong hindi pa rin nagbabago ang pagmamahal ng Dios sa akin. Ang katotohanang ito ang nagbibigay sa akin ng kapanatagan.