Minsang namasyal ako sa isang simbahan sa Israel, lubos akong namangha sa mga nakita kong mosaic. Nakasulat sa mga iyon ang masayang tugon ni Maria nang ibinalita sa kanya na siya ang magiging ina ng Tagapagligtas. Mula iyon sa Lucas 1:46-55.
Ito ang ilan sa nakasulat, “Buong puso kong pinupuri ang Panginoon, at nagagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas… dahil sa dakilang mga bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihang Dios” (TAL. 46-49). Ipinapaalala ng papuring awit na ito ni Maria ang katapatan ng Dios sa kanya at sa bansang Israel.
Lubos na nagalak si Maria sa kaligtasan at kagandahang loob na natanggap niya mula sa Dios (TAL. 47). Nagpuri rin si Maria habang inaalala niya ang ipinamalas ng Dios na mga dakilang gawa, kaawaan at pagmamalasakit sa mga Israelita at sa mga susunod na mga henerasyon (TAL. 50-51). Nagpapasalamat din si Maria dahil alam niyang ang Dios ang nagkakaloob ng kanyang mga pangangailangan sa bawat araw.
Ipinapakita ni Maria na isang paraan ng pagpupuri sa Dios ang paggunita sa mga dakilang bagay na ginawa ng Dios para sa atin. Sa kapaskuhang ito, alalahanin natin ang lahat ng kabutihang ipinakita ng Dios.