Panahon na naman ng kapaskuhan kung saan nagtitipontipon ang magkakamag-anak. Natatakot naman ang mga wala pang asawa at wala pang anak sa mga ganitong pagtitipon. Madalas kasi silang tanungin tungkol sa kanilang mga personal na buhay. Pakiramdam tuloy nila ay parang may kulang sa kanila.
Mababasa sa Lucas ang tungkol kay Elizabet. Matagal na siyang may asawa pero hindi pa rin siya nagkakaanak. Sa kultura nila, tanda ito na hindi nalulugod ang Dios sa kanila (1 SAMUEL 1:5-6) at maituturing itong kahihiyan. Hindi rin maganda ang pagtingin ng mga tao sa kanya (LUCAS 1:6).
Ganoon man ang kanyang sitwasyon, tapat pa rin na naglingkod sa Dios si Elizabet at ang kanyang asawa. Nang matanda na sila, dininig ng Dios ang kanilang panalangin (TAL. 13). Ipinakita ng Dios ang Kanyang kabutihan kay Elizabet at nais Niya rin itong ipakita sa atin (TAL. 25). Minsan, hindi agad sinasagot ng Dios ang ating mga panalangin, pero makakaasa tayo na tumutugon Siya sa tamang panahon. Pinatunayan ito ng Dios kina Elizabet nang pagkalooban sila ng anak na may natatangi pang tungkulin (ISAIAS 40:3-5).
Patuloy tayong maglingkod nang tapat sa Dios at maghintay sa tamang panahon ng pagtugon Niya. Anuman ang iyong kalagayan, kumikilos pa rin ang Dios sa buhay mo at sa pamamagitan mo. Nalalaman ng Dios ang nilalaman ng iyong puso at naririnig Niya ang iyong mga panalangin.