Naalala ko ang mga pagtitipon naming magkakaibigan noong mga maliliit pa ang mga anak namin. Habang nagkukuwentuhan kaming matatanda, nakakatulog naman ang mga bata dahil sa sobrang pagod sa paglalaro.
Kapag uwian na, binubuhat ko na ang aking mga anak pasakay ng kotse at saka ihihiga roon. Pagdating naman namin sa bahay, bubuhatin ko silang muli saka ihihiga na sa kama. Hahalikan ko muna sila bago patayin ang ilaw. Magugulat na lang sila na nasa bahay na sila pagkagising nila sa umaga.
Maaaring maihalintulad ang gabing iyon sa panahon kung kailan ang mga sumasampalataya kay Jesus ay bubuhayin at isasama Niya sa langit (1 TESALONICA 4:14). Kung paanong nagising ang mga bata, magigising din tayo sa tahanang inihanda ng Dios para sa atin.
May nabasa naman ako sa aklat ng Deuteronomio na ikinagulat ko. Sinabi roon, “Kaya namatay si Moises na lingkod ng Panginoon, ayon sa sinabi ng Panginoon” (34:5). Para kasi sa mga gurong Judio, ang ibig sabihin nito ay noong mamatay si Moises, hinalikan siya ng Dios.
Nakakatuwang isipin na maaari din tayong halikan ng Dios sa huling araw natin dito sa mundo. Tulad ng sinabi ni John Donne, “Pagkagising natin, nasa langit na tayo at ito’y sa pangwalang hanggan.”