Nagpapadala ng sulat ang aking kaibigan sa kanyang asawa tuwing Pasko. Ikinukuwento niya sa sulat ang tungkol sa mga nangyari sa buong taon at ang mga gusto nilang mangyari sa hinaharap. Laging sinasabi ng kaibigan ko sa kanyang sulat kung bakit mahal na mahal niya ang kanyang asawa. Sinusulatan din niya ang kanyang mga anak. Maituturing na isang napakagandang pamaskong regalo ang mensahe ng kaibigan ko sa kanyang mga sulat.
Maituturing naman natin si Jesus bilang sulat o kapahayagan ng pagmamahal ng Dios sa atin. Iyon ang binigyan diin ni apostol Juan sa kanyang aklat. Sinabi ni Juan, “Nang pasimula, naroon na ang tinatawag na Salita. Ang Salita ay kasama ng Dios at ang Salita ay Dios” (JUAN 1:1).
Ang Salitang tinutukoy dito ni Juan ay ang Anak ng Dios na si Jesus na sa simula pa’y kasama na ng Dios (TAL. 2). Ang kaisa-isang Anak ng Dios ay nagkatawang-tao at namuhay na kasama natin (TAL. 14). Sa pamamagitan ni Jesus, lubos na naipahayag ng Dios ang Kanyang Sarili.
Maraming taon din na pinagtalunan ng mga nag-aaral ng Biblia ang tungkol sa misteryong ito. Hindi man natin ito lubusang maunawaan, makatitiyak naman tayo na si Jesus bilang Salita ay nagbibigay-liwanag sa madilim nating mundo (TAL. 9). Kung sasampalataya tayo sa Kanya, bibigyan tayo ng karapatan na maging mga anak ng Dios (TAL.12). Napakagandang regalo ang pagparito ni Jesus dito sa mundo.