Humanga kami ng asawa ko nang minsang makita namin ang tatlong jet fighter na nasa himpapawid. Para kasing iisa lang sila dahil maayos silang nakahanay habang lumilipad na magkakalapit.
Paano kaya nila iyon nagagawa? Maaaring ito ay dahil sa pagiging mapagpakumbaba ng mga piloto. Makikita ang kanilang pagpapakumbaba sa pamamagitan ng pagtitiwala sa kanilang lider. Hindi nila pinagpipilitan ang gusto nilang bilis ng paglipad. Sumusunod sila at hindi sila nag-iiba ng direksiyon. Dahil sa pagpapakumbaba at pagpapasakop nilang ito, mas nagiging malakas sila bilang isang grupo.
Ganito rin dapat ang maging paguugali ng mga tagasunod ni Jesus. Sinabi ni Jesus, “Ang sinumang gustong sumunod sa Akin ay hindi dapat inuuna ang sarili. At dapat ay handa siyang humarap kahit sa kamatayan alang-alang sa pagsunod Niya sa Akin araw-araw” (LUCAS 9:23).
Lubos na nagpakita ng kapakumbabaan si Jesus. Hindi Niya inisip ang sarili Niyang kapakanan at tiniis Niya ang paghihirap para sa atin. Hindi madaling tularan ang Kanyang ginawa pero bilang mga tagasunod Niya, isantabi rin natin ang ating sarili at paglingkuran ang ating kapwa. Kapag ganito ang ginawa natin, makikita si Jesus sa ating buhay.