Sa librong isinulat ni Ann Voskamp na One Thousand Gifts, hinihikayat niya ang mga mambabasa na isipin ang mga ginawa ng Dios para sa kanila sa bawat araw. Nililista ni Ann ang mga maliliit at malalaking bagay na ipinagpapasalamat niya sa Dios sa araw-araw. Ayon kay Ann, sa pamamagitan ng pagpapasalamat ay maaalala natin na kasama natin ang Dios kahit sa pinakamasasaklap na pangyayari sa ating buhay.
Mababasa naman natin sa Biblia ang tungkol kay Job. Nakaranas siya ng matitinding pagsubok. Ninakaw ang kanyang mga alagang hayop at namatay rin ang kanyang sampung anak. Sa tindi ng kanyang pagdadalamhati, pinunit niya ang kanyang damit at inahit ang kanyang buhok sa ulo (JOB 1:20).
Pero sa kabila ng matinding pagdurusa na dinanas ni Job, makikita pa rin ang pagiging mapagpasalamat niya. Kinilala niya na mula naman sa Dios ang lahat ng bagay na kinuha sa kanya (TAL. 21). Iyon ang nagudyok kay Job na patuloy na sumamba sa Dios kahit na nagdadalamhati siya.
Hindi maiibsan ng pagpapasalamat ang nararamdaman nating sakit. Sa tindi ng paghihirap na naranasan ni Job, nagalinlangan din siya sa katapatan ng Dios. Gayon pa man, ang pagkilala sa kabutihan ng Dios kahit sa maliliit na bagay ang maghahanda sa atin upang magawa pa rin nating sumamba sa Dios sa mga panahon ng matitinding pagsubok.