Nagturo si Oswald Chambers mula 1911 hanggang 1915 sa Bible Training College sa London. Madalas na nagiging palaisipan sa mga estudyante niya ang kanyang mga itinuturo. Hindi niya agad sinasagot ang mga tanong nila at ang mga hindi nila sinasang-ayunan sa itinuturo niya. Hinihikayat niya na pagbulayan ng mga estudyante ang mga ito nang mabuti. Nais ni Oswald na ang Dios ang maghayag sa kanila ng katotohanan.
Ang ibig sabihin ng pagbubulaybulay ay malalim na pag-iisip tungkol sa isang bagay. Ganito ang ginawa ni Maria. Pinagbulayan niya ang mga nasaksihan niyang pangyayari na may kaugnayan sa pagsilang ng Tagapagligtas katulad ng pagpapakita sa kanya ng anghel at pagbisita ng mga pastol. Sinabi sa aklat ng Lucas na “iningatan ito ni Maria sa kanyang puso, at pinagbulay-bulayan ang lahat ng ito” (2:19). Para naman sa iskolar na si W.E. Vine, ang pagbubulay-bulay ay malalim na pag-iisip tungkol sa lahat ng aspeto ng isang pangyayari at ang kaugnayan ng mga ito sa iba pang magaganap.
Kung may mga nangyayari sa ating buhay na hindi natin lubusang maunawaan, maaari nating tularan ang ginawang pagbubulay ni Maria.
Kung pahihintulutan natin ang Dios na Siya ang manguna sa atin, tutulungan Niya tayo na maunawaan ang Kanyang kabutihan at pagmamahal. Pagbulayan natin ang mga ito at ingatan sa ating puso.