Tuwing taglamig, tila payapa at tahimik ang mundo habang marahang bumabagsak ang snow. Ibang-iba naman ito kung ikukumpara sa ingay na dulot ng paparating na bagyo.
Ayon sa awit na isinulat ni Audrey Assad na Winter Snow Song, maaari namang piliin ni Jesus na pumarito sa mundo na parang bagyo upang ipaalam na makapangyarihan Siya. Pero mas pinili Niyang pumarito nang payapa at tahimik lang katulad ng snow.
Sa halip na isilang sa palasyo, isinilang lamang siya sa isang bahaypanuluyan at inihiga sa sabsaban (LUCAS 2:7). Ang mga tagapag-alaga ng tupa ang sumalubong sa kanya sa halip na mga kilalang tao (TAL. 15-16). Hindi Siya napabilang sa mayamang pamilya. Sa halip, sa isang pamilyang dalawang ibon lang ang kayang ialay sa templo (TAL. 24).
Inihayag na noon pa man ni Propeta Isaias ang pagparito ni Jesus. Sinabi ni Isaias na ang darating na Tagapagligtas ay “hindi makikipagtalo o makikipagsigawan” (ISAIAS 42:2 MBB). Hindi Niya paiiralin ang Kanyang kapangyarihan na maaaring makabali ng tambo at hindi Niya papatayin ang ilaw na aandap-andap (TAL. 3). Siya ay tahimik na pumarito upang maging malapit tayo sa Kanya at magkaroon ng magandang relasyon sa Dios. Para ito sa sinumang maniniwala sa kuwento tungkol sa Tagapagligtas na isinilang sa isang sabsaban.