Sa librong Christmas Every Day na isinulat ni William Dean Howells, ikinuwento niya ang tungkol sa isang batang babae na humiling sa isang diwata na maging Pasko araw-araw sa loob ng isang taon. Natupad naman ang kanyang kahilingan pero hindi naging maganda ang epekto nito sa mga tao. Unti-unti silang nawalan ng gana. Nagsawa sila mga awiting pamasko at hindi na sila masyadong masaya sa pagtanggap ng mga regalo.
Si Jesus ang dahilan kung bakit tayo nagdiriwang ng Pasko. Hindi sana tayo mawalan ng interes kay Jesus kahit na ang tema ng buong Biblia ay tungkol sa Kanya.
Nang umakyat na si Jesus sa Langit kung nasaan ang Kanyang Ama, ipinahayag ni Apostol Pedro sa mga tao na si Jesus ang tinutukoy ni Moises na propetang katulad ni Moises na ipapadala ng Dios (GAWA 3:22; DEUTERONOMIO 18:18). Si Jesus din ang tinutukoy sa ipinangako ng Dios kay Abraham na magiging pagpapala sa mga lahi nito (GAWA 3:25; GENESIS 22:18). Sinabi rin ni Pedro na nagpahayag ang lahat ng propeta tungkol sa panahong darating ang Tagapagligtas (GAWA 3:24).
Kahit tapos na ang kapaskuhan, nawa’y maging sariwa pa rin sa ating isip na si Jesus ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang natin ang Pasko. Kung makikita natin na patungkol kay Jesus ang buong kuwento ng Biblia, mas mapapahalagahan natin ang Pasko. Ituturing natin ito na pinakamahalagang araw sa buong taon.