Minsan, inimbitahan ng asawa ko ang kanyang kaibigan sa pagtitipon ng mga nagtitiwala kay Jesus. Sinabi ng kanyang kaibigan na nagustuhan niya ang mga kanta pero nagtataka siya kung bakit masyado raw naming itinataas o pinaparangalan si Jesus. Ipinaliwanag sa kanya ng asawa ko na ang pagiging Kristiyano ay ang pagkakaroon ng relasyon kay Jesus. Sinabi pa ng asawa ko na, “Walang kabuluhan ang pagiging Kristiyano kung wala si Jesus. Sama-sama namin Siyang pinupuri dahil sa lahat ng ginawa Niya para sa amin.”
Sino nga ba si Jesus at ano ang Kanyang ginawa? Sinagot ni Apostol Pablo sa Colosas 1 ang tanong na ito. Si Jesus ang larawan ng di-nakikitang Dios (TAL. 15). Si Jesus na Anak ng Dios ay naparito upang palayain tayo mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan. Nahiwalay tayo sa kabanalan ng Dios dahil sa ating mga kasalanan at tanging si Jesus na perpekto at walang kasalanan ang makakapag-ayos ng relasyon natin sa Dios (TAL. 14, 20). Si Jesus lamang at wala nang iba ang makapagbibigay sa atin ng karapatang lumapit sa Dios at makapagkakaloob ng buhay na walang hanggan.
Bakit nararapat parangalan si Jesus? Dahil Siya ay nagtagumpay laban sa kamatayan. Minahal Niya tayo at nagsakripisyo Siya para sa atin. Binibigyan Niya rin tayo ng kalakasan sa bawat araw. Siya ang lahat-lahat para sa atin!
Niluluwalhati natin at itinataas si Jesus dahil karapatdapat Siyang tumanggap nito. Ibigay natin sa Kanya ang pinakamataas na papuri.